Budismo - diverted cyberlife of a political life planner

Monday, September 27, 2004

Budismo

Sa unang araw ng aming pagsasaliksik patungkol sa naiatas na paksa. Una naming pinuntahan ay ang Buddhist temple sa Hernandez St. Ongpin Manila noong ika-tatlumpo ng Hulyo 2004, araw ng Sabado. Kapansin-pansin na ang templong ito ay sadyang luma na at halos nasa tagong lugar. Una naming nakausap ay ang security guard na nakatalaga sa nasabing templo. Isinangguni muna niya ang aming pakay sa may-ari o nangangalaga ng nasabing templo. Laking tuwa namin nang kami’y payagan nila. Sa aming pag-akyat sa ikatlong palapag, isang matandang Chinese na babae na inakala naming siyang magiging gabay namin sa aming interbyu. Subalit nang amin siyang batiin ay agad siyang umiwas sa amin at nagmamadaling pumasok sa loob ng templo. Dahil sa pangyayaring iyon ay hindi kami pumasok sa loob ng templo sa pag-aakalang bawal ang hindi miyembro nito. Maya maya’y may dumating na babae na may dala-dalang mga “leaflets” na kung saan nakasaad doon ang mga gawain sa templo na nakatalaga sa buong taon. Dito’y nakausap namin siya at tinanong kung bakit ganun ang naging reaksiyon ng matandang Chinese. Ikinuwento niya na maari raw naming kausapin ang monk doon sa loob ng templo, subalit ito’y may katandaan na at hindi masyadong makarinig. Pinayuhan niya din kami na kung gugustuhin talaga naming mag-interbyu ay dapat magsama kami ng isang interpreter, sa kadahilanang karamihan sa mga monk sa nasabing templo ay pure Chinese. Ang gusaling kinatatayuan ng templo ay pagmamay-ari ng pamilyang Chinese na nagmula sa China. Sila na rin ang siyang nangangalaga nito.

Bago namin lisanin ang lugar ay nagtanong kami sa security guard kung saan ang pinakamalapit na Buddhist temple at itinuro niya ang templo sa Narra St. Divisoria at templo sa may Blumentritt.

Una naming nakapanayam ang Buddhist nun na si Rev. Tzong Dao sa may Blumentritt Maynila. Kanyang inilahad ang pagsibol ng Budismo, partikular na sa Asya. Ang buhay ni Siddharta Gautama ang kanyang unang inilahad nang sa gayon ay mas maintindihan naming ang kanyang mga turo.

Ang mga rebulto ng Buddha ay may iba-ibang klase rin. May tinatawag na Sakyamuni at iba pa.

Bagamat magkakamukha ang mga Buddha, makikilala mo raw ang pagkakaiba-iba ng mga ito sa pamamagitan ng posisyon ng kanilang mga kamay.

Mayroon din silang tinatawag na Lotus Sutra, ito ay karaniwang matatagpuan sa Japan. Sa ibang dynasty rin noon, ang mga estatwa ng Buddha ay payat. Ang God of Mercy ay nagsisimbolo ng pagiging compassionate. Bagama’t lalaki talaga ang mga ito, nagkakaroon ng variation ito dahil dumedepende ito sa kung sino ang kaharap nila. Ang God of Wisdom ay kanya ring ipinakita, nakasakay ito sa isang lion. Ang thousand hands and thousand eyes Buddha ay sumisimbolo naman ng pagiging matulungin ng mga ito.

Ang Lucky Buddha o Happy Buddha o mas kilalang nating mga Pilipino na matabang Buddha ay ang kinikilala nilang Future Buddha na siyang magbabalik sa araw ng paghuhukom, katumbas nito ang muling pagbabalik ni HesuKristo sa kristianong paniniwala. Ang pagiging mataba, nakatawa at maraming pera ng isang Lucky Buddha ay simbolo ng kasaganaan para sa kulturang Intsik.

Inilibot din kami ni Rev. Tzong Dao sa loob ng templo. Kapansin pansin ang kalinisan at kaayusan sa loob ng nasabing templo. Ang mga naglilinis sa loob nito ay walang patid sa pagpupunas at pagwawalis sa paniniwalang sa pamamagitan ng masugid na paglilinis maiiwasan ang mga insektong na manirahan dito at upang hindi sila mapatay o magalaw sila. Ang paniniwalang ito ng mga Buddhist ay dahilan sa kanilang reincarnation. Sa prosesong ito, ang mga namamatay ay maaring mabuhay muli sa katauhan ng isang hayop, maging insekto man ito kaya kung maari ay iniiwasang pumatay ng kahit anong klaseng hayop, malaki o maliit man ito.

Isa rin sa mga natalakay ni Rev. Tzong Dao ay ang Law of Karma (kamma sa salitang Pali) ayon sa kanya ang karma ay isang dipersonal o natural law na naisasakatuparan sa pamamagitan ng sarili nating mga nagawa ay isang di-personal o natural na batas na naisasakatuparan sa pamamagitan ng sarili nating mga nagawa. Sa madaling salita, kapag gumawa ka ng mabuti ngayon, mabuti rin ang maidudulot nito sa iyo ngayon, bukas at sa hinaharap. Gumawa ka ng masama at masama rin ang idudulot nito sa iyo ngayon, bukas at sa hinaharap.

Ang mga Buddhist ay naniniwala na aanihin ng tao kung ano ang kanyang itinanim ay siyang magiging resulta kung ano tayo noon, at kung ano ang magiging resulta ng ginagawa natin sa ngayon. Ayon sa paniniwala nila, kung ang lahat ng bagay ay nadedetermina, mawawala ang ating free will at ang moral at espiritual na pamumuhay , magiging alipin na lamang tayo ng ating kahapon. Sa kabilang banda, kung ang mga bagay ay lubusan nating di madedetermina, mawawalan tayo ng lugar upang mapayabong ang ating mga moral at espiritual na pamumuhay.

Samakatuwid, ang paniniwalang Budismo ay nainiwala na ang buhay ay hindi lubusang nadedetermina at vice-versa. Inihalimbawa ni Rev. Tzong Dao ang isang taong nag-iipon ng pera niya sa bangko.

Kaugnay na rin sa mga gawaing nagagawa ng isang tao, ang paniniwalang Budismo ay may tinatawag na Nirvana. Ito ang tawag sa final goal sa Budismo. Hindi ito maituturing na paraiso sapagkat ang Nirvana ay hindi lugar. Ito ay nanatili tulad ng isang apoy na nagliliyab sa tuwing ang dalawang kahoy ay iyong pagkiskisin. Tulad ng isang tao, kung ang pag-iisip niya ay malaya sa lahat ng mga paghihirap at kalungkutan, mararanasan na niya ang Nirvana.

Upang mas lalong madaling maintindihan ang mga katuruan ng Budismo, ipinaliwanag ni Rev. Tzong Dao ang pagkakapareho ng Budismo at Katolisismo. Una na rito ay ang pagkakaroon ng mga rebulto at santo. Kapwa relihiyon ay nanalangin sa pamamagitan nila.

Halimbawa na lamang sa mga rebultong ito ay ang God of Mercy o Avalokitesvara nila ay katumbas ni Mama Mary sa katolisismo. Sa ikalawang beses naming interbyu kay Rev. Tzong Dao, nagtungo kami sa Sakya Academy sapagkat doon siya nagtratrabaho bilang OSA Director. Bilang isang OSA Director siya rin ay isang Buddhist nun. Kinapanayam naming siya sa kanyang pagiging Buddhist nun. Bago pa man din siya pumasok ng seminaryo, nagtapos muna siya ng kursong A.B. Mathematics sa UST. Inilahad niya sa amin ang kanyang naging karanasan sa isang sagradong katolikong unibersidad bilang isang Buddhist. Ayon sa kanya, nahirapan siya noong una sapagkat magmula pagkabata ang kinamulatan niyang relihiyon ay ang Budismo. Dagdag pa niya, nakakalito mang pag-aralan ang Katolisismo at Budismo, sa isang pagkakataon, mas binigyan niyang halaga at prayoridad ang Budismo. Bilang isang Buddhist nun, maaari ka naman raw magkaroon ng ibang trabaho, subalit ang iyong tungkulin kay Buddha ay dapat laging una. Ang kanilang kasuotan, ang lagi nilang suot sapagkat ito ang nagsisimbolo ng kanilang dedication bilang Buddhist nun. Samantalang ang kanyang tatlong tuldok sa ulo ay nagsasaad na siya ay naordinahan na bilang Buddhist nun. Ang lahat ng ordinasyon ay ginaganap sa Taiwan o China. Dito, isang buwan silang mamamalagi sa nasabing bansa. Sa loob ng panahong ito, meditation, chanting, at iba pa ang ginagawa nila upang ihanda ang kanilang mga sarili sa inatas na tungkulin sa kanila. Karaniwan na tradisyon sa mga Buddhist nun at monk sa ibang bansa noong mga nakalipas na taon, na sa tuwing aalis sila, bawal silang magdala ng pera at hangga’t maari ay naglalakad na lamang sila, sapagkat dito maipapakita ang isang simpleng pamumuhay. Subalit ang ganitong tradisyon ay naglaho na partikular dito sa ating bansa sapagkat wala nang taong magbabayad ng iyong pamasahe maliban sa iyong kakikilala. Natanong namin sa kanya na kung si Buddha nga ba ang kanilang Diyos, agad niyang tinuran na hindi dahil wala daw silang itunuturing na Diyos. Dahil ayon sa kanila, walang mag-ru-rule sa iyo kailangan mo lamang sundin ang mga turo ni Buddha. Nabanggit din ni Rev. Tzong Dao na di tulad sa Katoliko na may Standard na Biblia na sinusunod, ang relihiyong Budismo ay walang tiyak na libro o katuruang nasusulat na sinusunod ng mga Buddhist. Ang mga librong kanilang sinusunod o ginagamit sa pangangaral ay sinulat ng mga iskolar na nagmula rin sa pasalin-saling bibig ng kanilang mga ninuno.

Pagkatapos ng aming panayam, nilibot naman niya kami sa loob ng templo. Ang gusali ng kanilang templo ay ay dalawang palapag, sa unang palapag, mayroong maliit na altar sa gilid kung saan maari kang magbigay ng panalangin para sa Buddha. Mapapansin rin doon sa harap ng altar ang mga larawan ng kanilang mga ninuno na siyang nagging miyembro ng kanilang templo. Ayon kay Rev. Tzong Dao, halos lahat ng mga nagpupunta at regular na nagsisimba sa kanilang templo ay mga Chinese. Kung may Pilipino man daw, hindi sila nagpapabinyag upang maging Buddhist. Ito raw ay marahil sa malaking kaibahan na kulturang Chinese at kulturang Pilipino. Sa ikalawang palapag ginaganap ang kanilang pagsamba. Kung titingala ka sa bandang itaas, makikita mo ang paintings patungkol sa buhay ni Siddharta Gautama mula sa kanyang kapanganakan hanggang sa makamit niya ang Enlightenment. Siyempre di-mawawala ang iba’t-ibang laki, hugis at itsura ng Buddha sa harap ng altar. Ang lalagyanan ng insenso at ang mga oil lamps na parating nakasindi, sapagkat sumisimbolo ito na ang mga katuruan ni Buddha ay palagiang nariyan upang liwanagan ang ating buhay. Naroon din ang ilang tambol na siyang ginagamit sa kanilang chanting. Mapapansin din ang laki ng espasyo. Pero maliliit ang upuan lang ang matatagpuan dito na siyang ginagamit sa pagluhod.

Araw ng Miyerkules ng kami ay pumunta sa Seng Guan Temple sa Narra St. Divosoria. Ito ang huli at pangatlong dalaw naming sa nasabing templo. Kapansin-pansin sa pagpasok pa lamang naming ng Narra St. mapapansin ang nag-uumpukang mga Chinese na paroo’t parito at karamiha’y nakasuot ng damit na pula. Dahil na rin siguro sa dami ng dumadalo dito ay sadyang isinara ang buong kalsada at may mga pulis din na nagkalat at nagmamasid sa buong lugar. Samu’t saring bulaklak, insenso, at mga prutas ang nagkalat at itinitinda sa may labas ng templo. Papalapit pa lamang sa templo ay usok at amoy ng insenso ang iyong malalalanghap.

Sa pagbungad naming sa gate ng templo ay una namin napansin ang rebulto ni Buddha na napapaloob sa salamin at may iba’t ibang bulaklak din ang dito’y nakaalay. Ayon kay Dr. Anthony Chingbingyong ang smiling face na Buddhang ito ang tinatawag nilang “happy Buddha,” ito ay sumisimbolo sa pagkakaroon ng forever happiness. Sinasabing ang pagkakaroon ng malaking tiyan nito ay sign of endurance o pagtitiis. “Lucky Buddha” o “future Buddha” ang ibang tawag din dito, katulad ng pagdating ni Kristo ito ay sumisimbolo din daw sa pagdating ni Buddha.

Sa kanang bahagi ng templo pagpasok mo ng templo ay mamamasdan mo sa kanang bahagi nito ang mga pila sa tapat ng isang maliit na opisina, dito ay binibigay nila ang kanilang donasyong pera, sa anumang halaga. Kapalit nito ay isang rice pack na sinasabing inihahalo sa sinaing at sabay sabay na pagsasaluhan ng buong pamilya, ito ay upang magkaroon daw ng harmony ang pagsasama ng isang pamilya. Nakasulat sa rice packs na ito ang mga Chinese character na nangangahulugan na sa pamamagitan nito si Buddha at ang mga espiritu ay pagbibigyan ang lahat ng kanilang dasal o hiling. Mga listahan naman ng nagsipagbigay ng mga donasyon ang makikita sa kaliwang bahagi nito. Ito ay pawang naka-post at may kanya-kanyang category. Mapapansin na lahat ng nagbigay ng P5,000 pataas ay nakasulat, ang isang pangalan sa bawat isang strip samantalang ang mga nagdonate na hindi bababa sa P3,000 ay nakasulat ang pangalan ng magkakasama sa isang malaking papel na kulay pula. Sinasabing hindi lahat ng donasyon ay pera, anumang kakailanganin sa templo ay puwedeng idonate katulad halimbawa ng mga sangkap sa lutuin, pancit at iba pang pagkain na siyang nilang inihanda ng araw na iyon.

Sa kabuuan ng unang palapag ay makikita ang mga imahe ng Buddha. Ito ay tinatawag nilang Boddhisatva o “God of Mercy. Ang Boddhisatva ay sinasabing unang hakbang bago ang Buddhahood. Sila ay matuturing na ganap na enlightened subalit dahil na rin sa paghahangad nila na matulungan ang mga tao sa mundo ay ginusto nilang hindi tanggapin ang posisyon. Sa pagiging enlightened, hindi na sila puwedeng bumaba sa mundo upang tulungan ang mga nangangailangang tao. Ang Boddhisatvang ito ay binubuo ng tatlong imahe ni Buddha; Avalokitesvara o “Goddess of Mercy” ang nasa gitna, sa kanang bahagi ay ang “Goddess of Wisdom” na nakasakay sa isang temple dog at ang nasa kaliwa na nakaupo sa isang elepante ay si Samantavatra na siyang practitioner ng Boddhisatva. Ang mga Buddhang ito ay nasa anyong babae para lang daw maipakita ang pagpapahalaga sa motherhood sa kadahilanang ang mga babae ay sadyang malapit sa lahat ng tao.

Ang mga tao habang nagdadasal ay manaka-nakang nagba-vow habang nakataas ang kamay na may hawak na insenso. Ang pagtataas daw ing insenso ay para ma-cleanse ang buong lugar bago anyayahan si Buddha na maging witness at hingin ang dasal nito. Ayon kay Dr. Anthony Chingbingyong ang mga insensong karaniwang ginagamit sa ngayon ay sadyang mabababa na ang klase, kaiba sa ginagamit ni Buddha noong unang panahon. Para sa Chinese community, maganda at de-kalidad na insenso ang dapat nilang gamitin sapagkat naniniwala sila na ang mga magagandang bagay ang nararapat na ialay at ihandog kay Buddha. Napag-alaman din namin na ang isang libra ng mamahaling insenso ay nagkakahalaga ng P 50,000 hanggang P75,000; P20,000 para sa yari sa sandalwood at P3,000 para naman sa pinakamurang insenso.

Sa nauna naming pagpunta sa templo ay naabutan naming ang ilang trabahador na inihuhugis ang money paper hango sa lumang pera ng Chinese. Ito ay sinasabing iniaalay kay Buddha sa pamamamagitan ng pagsusunog nito. Ito ay isinasagawa din sa mga patay sa tradisyong Intsik. Ang pag-aalay ng money paper ay hindi tradisyon ng Budismo, ito ay isang Chinese tradition dahil karamihan ng mga Buddhist ay Chinese people, gusto lamang nilang i-share ang mga perang ito sa mga Buddhas.

Kasama si Dr. Anthony ChingBingYong ay umakyat na kami sa ikalawang palapag na kung saan matatagpuan ang “Hall of the Buddhas”. Dito ay makikita ang tinatawag na “triple gems”.

Ang triple gems ay imahe ng naglalakihang Buddha sa Japan, Korea at China. Si Sakyamuni o Siddharta Gautama Buddha o mas kilalang “Historical Buddha” ang taawag sa Buddha na siyang nakapuwesto sa gitna. Sa tatlong imahe ni Buddha, mapapansin mo na mas mataas si Sakyamuni o ang nakapuwesto sa gitna ito ay sa kadahilanang naniniwala sila na kung na-attain na ang “buddhahood” , ang lahat ng Buddha ay tutulad sa kanya. Ang nasa kanang rebultong Buddha ay kilalang bilang si Visatya Guru o “Medicine Buddha”, ito ay para daw sa pagkakaroon ng mahabang buhay ng mga tagasunod ng Budismo sa kadahilanang ang mundo ngayon ay puno ng pagdurusa at ditto ay kailangan natin ang kanyang awa.

Matatagpuan naman sa kaliwang side ay si “Amitabha Buddha” o ang tinatawag na “Buddha of Pure Land”. Tinuro din sa amin ni Dr. Anthony ChingBingYong ang tinatawag nilang “The Hall of Ten Thousand Buddhas”, ito ay binubuo ng 10,000 boxes at sa bawat kahon na ito ay naglalaman ng mga Buddha figures. Ang mga kahong ito ay pataas ng pataas na nakalagay o pumapalibot sa roof dome ng templo.

Ang okasyong aming nasaksihan ay tinatawag na “Avalokitesvara’s Birthday” o “Feast of God of Mercy”, ang pagdalo sa misa ang sinasabing pagpapahalaga o pagbibigay galang sa Buddha. Sa pagsisimula ng misa, makikita sa may altar nito ang anim na monk na nakasuot ng yellow robe. Sila din ay pawang nakaharap sa altar at nakatalikod sa mga tao. Dito ay may kanya-kanyang mga instrumentong hawak ang bawat monk na ginagamit sa chanting sa misa. Nagsimula ang misa sa tinatawag na “Incense Praise”, dito sinusimulan ng “head abbot” o ang nakakataas na monk na simulan o gabayang magsindi nang insenso ang publiko. Ang dahilan ng pagsisimula ng chanting ng “Incense Praise” upang makihalubilo ang mga holy bodies na makisabay sa panalangin. Ginagawa ito nang tatlong beses. Ang bawat insensong sinisindihan ay para sa heaven o langit, ang isa naman ay para sa human o sangkatauhan, ang isa naman ay para sa underground. Itunuro nman sa amin ang isang instrumento na pinupukpok nang isang monk, ang intrumento ay ang Wooden Fish, ito ay nasa hugis nang isang isda. Ang isda kasi ay sumisimbolo sa Dharma, ito ay ang pagtuturo sa Budismo. Tulad nang walang kakurap-kurap na mata nang isda at habambuhay nitong pagbukas, sumisibolo na ang Dharma, na walang patid na pagtuturo. Bawat pagpalo ng monk sa wooden fish na nagtataglay ng tunog, bawat pagpalo nito at pagtunog ay isang salita o dasal ang binibigkas. Pagkatapos ng Incense Praise ay agad na sisimulan ang pag chant ng Mantra, ngunit bago nito ay kailangan muna nilang linisin o basbasan ang kapaligiran o ang lugar na pinagdadausan ng misa. Dito mapapansin na may hawak hawak na tubig na nakalagay sa isang lalagyan at bulaklak ang head abbot na siyang magbabasbas sa buong kapaligiran. Ang pagbabasbas o paglilinis sa kapaligiran ay nagpapahiwatig na dapat paalisin ang mga evil spirits na nakapalibot sa templo, kasabay nito ang pag-iimbita sa mga tao na makinig sa mga turo ni Buddha dahil kapag ang sutra ay sinimulang banggitin ay nagpapaalala sa atin ng mga turo ni Buddha. Kasunod nito ay ang pagbanggit ng sutra o pagbigkas ng mga turo ni Buddha. Ito ang pinakahuling ginagawa sa isang Buddhist mass, ang pagbigkas ng turo ni Buddha. Mahalaga sa kanila ito dahil dito ipinapakita ang komunikasyon ng mga tao at ng Buddha.

Matapos naming makihalobilo sa pagdiriwang sa Seng Guang Temple sa Divisoria, nagpasya kaming magtungo sa sinasabi ni Rev. Tzong Dao sa may Buddhist temple sa Vito Cruz, na may mas moderno raw na pamamaraang ginagamit upang makahikayat ng mga bagong miyembro. Sa una naming pagpunta, nagkataong nagdiriwang sila ng anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang templo. Dahil dito ang grupo naming ay bumalik na lamang sapagkat ang lahat ay abala sa nasabing gawain at hindi kami maaasikaso.

Sa aming pagbabalik, nakapanayam naman namin ang Buddhist secretary ng templo na si Mrs. Elizabeth Tan. Nakatuon ang aming panayam sa kanya patungkol sa programa nila upang mas madaling makahikayat ng mga bagong miyembro. Ayon sa kanya, every summer ay nagkakaroon sila ng Summer Camp kung saan ang mga miyembro at maging di miyembro ay maaaring dumalo. Sa pamamagitan daw nito, mas madali silang nakaka cope sa modernong mga kabataan.

Masasabi ring moderno ang kanilang pamamaraan sapagkat ayon sa kanya, ang mga monk sa kanila ay kinakailangang marunong mag surf ng internet or at least gumamit ng computer. Ito raw ay di paglabag sa paniniwalang budismo, nais lamang daw nila sumunod sa mabilis na daloy ng pagbabago sa ating lipunan.

Matapos ang ilang sandali, pinapasok niya kami sa isang bulwagan kung saan dinaraos nila ang kanilang pagsisimba. Bago ka pumasok, kinakailangan ay magtanggal ka muna ng sapatos bilang paggalang. Tinuruan niya kami kung paano ang paggamit ng insenso. Ito kasi ang unang ginagamit ng bawat Buddhist bago siya magdasal kay Buddha. Pati ang tamang paghawak at pagluhod ay tinuro niya sa amin. Ang insenso raw ay ginagamit upang imbitahan ang lahat ng mga Buddha sa paligid na makinig ang tuparin ang mga panalangin na sasambitin ng isang tao.


Sa loob din ng kanilang templo ay may mga song book na ginagamit para sa chanting. Dagdag pa niya, halos lahat naman daw ng nilalaman ng mga chant ng mga Buddhist ay pare-pareho, ang tanging pagkakaiba lang sa kanila ay nilapatan nila ito ng mas mabilis na tono dahil na rin marahil sa pagiging contemporary ng kanilang style sa pagsamba. Sa kanilang altar ay matatagpuan ang Boddhisatva Buddha. Mayroon din silang wooden fish na isang klase ng instrumento na ginagamit sa chanting. May mapapansin ka rin sa gilid ng altar na isang box na may maliliit na papel. Ayon kay Mrs. Tan, ito raw ay para sa mga taong nagkukumpisal kay Buddha. Kung sa katoliko, ang mga ito ay nangungumpisal sa pari at ang pari mismo ang siyang nagbibigay ng payo sa kanila, sa kanilang practice, ikaw mismo ang siyang magsasabi kay Buddha sa pamamagitan ng pananalangin sa kanya, at sa box na nasa gilid, kukuha ka roon ng isang papel at dun nakasulat kung ano ang kasagutan o ang dapat mong gawain tungkol na rin sa ipinanalangin mo. Karaniwan na ang mga monk ang siyang nagpapaliwanag nito dahil sila ang nagsusulat ng mga ito.

Naitanong din namin kay Mrs. Tan ang tungkol sa kasal in a Buddhist way. Ayon sa kanya, wala naman daw fixed o standard na kulay o itsura ng damit ng ikakasal para sa bride at sa groom. Nasa discretion na raw ito ng ikakasal. Maaari rin daw na isunod sa kultura ng ikakasal ang damit na isusuot nila, gaya na lamang kung isang Chinese ang ikakasal, maaaring may touch of Chinese ornaments ang suot nila. Ang tanging pagkakaiba lamang daw nito ay, kung sa ordinaryong kasalan, ang nauuna patungong altar ay ang groom, sa kanila ang mauuna ay ang monk, kasunod niya ang bride at ang groom.

Tungkol naman sa pagiging vegetarian ng isang Buddhist, napag-alaman naming sa kanya na di pala lahat ng Buddhist ay vegetarian. Ayon daw iyon sa kagustuhan ng taong Buddhist. Kung isa ka nang monk, kinakailangan ay vegetarian ka at dahil isa ito sa mga precepts na kanilang dapat sundin. Kung isa ka lamang miyembro ng relihiyong Budismo, depende yon sa level ng pagiging Buddhist mo, kasi nga, kahit na against sila sa kahit anong klase ng pagpayat maging sa hayop, mahigpit nilang pinaniniwalaan na kung ano ang ginagawa mo ngayon ay siya mong aanihin sa kabulang buhay. So, ang lahat ng kanilang ginawa ay mayroong consequences, di man ngayon mangyari. Nagpakita rin siya ng ilang mga photos, patungkol sa mga nagging gawain na ng kanilang simbahan o templo.

Si Mrs. Elizabeth Tan ay isang Buddhist sa loob na ng sampung taon. Pati ang kanayng mga anak ay Buddhist na rin ang nag-aaral sa Buddhist School na Sakya Academy. Tinanong din naming siya tungkol sa personal niyang buhay. Napag-alaman naming na nagdulot sa kanya ang relihiyong ito ng lakas ng loob at mas naging komportable raw siyang makiharap sa mga tao.



Konklusyon

Ayon kay Mrs. Elizabeth Tan, halos lahat ng relihiyon ay pare-pareho kabutihan ang itinuturo. Hindi din natin masasabi kung ano nga ba ang tunay o tamang relihiyon, ang relihiyon na makakapaligtas sa atin. Kung sino nga ba ang tunay na Diyos, kung si HesuKristo ba o Buddha o Allah. Malay din natin kung magkakakilala pala si Hesus, Allah o Siddharta Gautama sa mga unang panahon. Hindi din natin dapat kuwestiyunin nang kung bakit ganito o ano klaseng paniniwalang mayroon ang bawat relihiyon.
Kristiyano, Islam, Hinduismo o Budismo pa man iyan, kahit anong relihiyon ang iyong nais samahan o saniban, ang mas mahalaga ay wala kang masamang ginagawa sa iyong kapwa at hinuhubog ka nang relihiyong iyong sinamahan na mas mabuti tao at mamamayan nang bayang ito.

No comments: