Kapatiran o Kamatayan? - diverted cyberlife of a political life planner

Tuesday, October 16, 2007

Kapatiran o Kamatayan?

by Julius Cris Delos Reyes
Published on Monday, October 15, 2007
Inquirer LIBRE, Boses K Column
Page 6, Vol. 6 No. 224




Muling nabukas ang matagal nang isyu sa mga fraternity/sorority at hazing dahil sa pagbuwis na naman ng isang buhay ng UP Student para sa tinatawag na kapatiran. Hindi natin lahat alam kung ano talagang kapakinabangan ang maidudulot ng pagsali sa isang kapatiran. Hindi ko tinutuglisa or di-pabor sa mga samahan tulad ng fraternity/sorority, sa kabilang banda may naidudulot silang kapakinabangan, tulad na lamang ng mga kaibigan kong Law students na kabilang sa fraternity at sorority. Buong pagmamalaki nilang kinukuwento ang mabuting naidudulot nito sa kanilang pag-aaral ng abogasya, pagtutulungan, suporta sa isa't-isa at iba pa.

Kung pinagduduhan ninyo ang artikulong ito dahil pinagbabasehan ko ang mga kuwento ng aking mga kaibigan patungkol sa mga kabutihan natatamo nila sa pagsama sa ganitong organisasyon, hindi ba nararapat na ating pagdudahan kung bakit nababahid sa karahasan ang mismo sanang tutulong at magproprotekta sa isang indibidwal sa pagsali niya sa kapatiran.

Marami nang sikat na tao/politiko at mga opisyal nang ng gobyerno ngayon ang nagsimula at naging miyembro nang mga fraternity. Hindi kaya tulad ng mga ilang opisyal nang gobyerno ngayon na inaabuso ang kapangyarihan ay ganun din ang ginagawa ng mga taong nasa likod ng mga karahasang ito - ang pag-abuso sa kapangyarihan.

Hindi masama ang sumali sa kapatiran, ito ay malayang desisyon nang isang tao kung nais niyang sumama sa ganitong organisasyon at kung alam niya na may maidudulot na mabuti o masama ito sa kanya. Katulad natin mga tao na di-perpekto ay di rin naman perpekto ang isang organisasyon o samahan na pinatatakbo din ng mga tao. Ngunit kailangan pa ba magbuwis ng buhay at pangarap nang isang indibidwal para lamang masali sa kapatiran? Kapatiran na inaasahang makakatulong sa kanyang mga pangarap sa buhay o pagbuwis ng buhay sa di-alam ang tunay na kadahilanan?

Hindi solusyon ang paggawa ng batas upang i-abolish ang pagtatayo ng samahan, organisasyon o kapatiran. Ang mahalaga siguro ay alamin ang tunay na layunin ng bawat samahan upang wala nang buhay pang masayang.

No comments: