by Julius Cris Delos Reyes
Published on Wednesday, May 16, 2007
Inquirer LIBRE, Boses K Column
Page 13, Vol. 6 No. 188
Isang araw bago ang halalan habang nanonood ako ng balita tungkol sa mga huling kaganapan ukol sa nalalapit na eleksyon. Pumukaw sa aking atensyon ang mga balitang nagmula pa sa mga probinsiya. Ambush, patayan ng mga magkakaribal sa pulitika at kahit mga magkakamag-anak pa ay nagpapatayan para sa inaasam na kapangyarihan.
Isa akong Political Science graduate at tulad nila, nangangarap din ako na maging pulitiko at maluklok sa puwesto na inaasam ko balang araw. Pero ang hindi ko lubos maisip kung bakit ganito kadumi ang pulitika sa ating bansa. Mga magkakalaban na nagpapatayan para sa puwesto, kandidato na bumibili nang boto, namimigay nang insurance at humihingi nang assurance nang kanilang pagkapanalo. Mga botante na nagbebenta nang boto, mga mamamayan na ayaw nang bumoto dahil wala na naman daw pagbabago. Mga titser na takot nang lumahok dahil seguridad nila ang nakataya sa bawat balota. Mga di-planado o magulong listahan mula sa Comelec. Ilan lamang iyan sa mga reklamo tuwing halalan at paulit-ulit nang problema nang bayan tuwing eleksyon at hanggang ngayon ay wala pa ding pagbabago.
Kung bumoboto tayo para sa pagbabago, sana hindi na nangyayari ang mga ganitong problema. Ano na naman kaya ang mangyayari sa oras ng botohan at pagkatapos ng bilangan, may magrereklamo ba ulit na may nangyaring dayaan? Ilan na naman kaya ang magproprotesta sa lansangan?
May patutunguhan nga kaya ang boto ko ngayong taon? Makakatulong kaya ito sa inaasam nating lahat na isang tunay na pagbabago? Tama nga kaya ang mga kandidatong napili ko? At ngayong iluluklok natin sila sa inaasam nilang puwesto, makakatulong nga kaya talaga sila sa tao at sa bayan o buong taon na naman silang magsasalita sa senado at kongreso at wala na namang magagawa?
Isang panawagan ito sa mga pulitiko o kandidato, sana naman ngayong hinalal na namin kayo sa puwesto, tuparin ninyo ang mga pangakong inilabas nyo pa sa mga TV stations, radyo, dyaryo at iba pa. At higit sa lahat, gawin ninyo ang tunay ninyong tungkulin, ang maglingkod sa bayan at taumbayan. Dahil ang puwestong hinangad ninyo ay puwesto nang isang tunay na "pagseserbisyo sa publiko" at hindi "pansariling benepisyo" niyo lamang. Mahiya naman kayo.
Wednesday, May 16, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment